Malapit nang matapos ang rehabilitasyon ng Delivery Room (DR) at Operating Room (OR) ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, bilang bahagi ng pagpapalakas ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan sa lugar.
Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, isinasagawa na lamang ang paglalagay ng specialized flooring sa mga naturang pasilidad.
Inaprubahan na rin ng Sangguniang Panlalawigan ang karagdagang pondo para sa pagsasaayos ng mga sirang kisame at mga baradong palikuran sa ospital.
Kasabay ng pagpapaganda ng imprastraktura, nadagdagan din ang mga kagamitan at serbisyong medikal ng ospital. Dumating na ang bagong blood chemistry analyzer para sa mga batayang laboratory test, habang nagdagdag din ng mga Medical Technologist upang maging operational ang laboratoryo sa gabi para sa mga admitted patients.
Nagkabit din ng 20 bagong wall fan sa mga kuwarto ng pasyente at iba pang seksyon ng ospital.
Samantala, pitong karagdagang hospital beds ang nagagamit na rin sa pasilidad. Lima sa mga ito ay personal na donasyon mula sa midyear bonus, habang dalawa naman ay mula sa suporta ni Fely Fetalino.
Namahagi rin ang Provincial Health Office ng mga dental hygiene kit para sa mga buntis na nagpapa-checkup at nagpapakonsulta sa ospital.
Ang mga hakbang ay bahagi ng mga inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Trina Firmalo-Fabic upang mapalakas ang mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng Looc at mga karatig na lugar.



































Discussion about this post