Itinaas na ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Romblon ngayong alas-5 ng umaga, Nobyembre 3, dahil sa papalapit na bagyong Tino (#TinoPH). Ibig sabihin nito, posibleng maranasan ang malalakas na hangin sa loob ng 36 oras.
Ayon sa PAGASA, kabilang ang Romblon sa mga lugar na nasa mataas na panganib sa storm surge at coastal flooding, lalo na sa mga baybaying barangay at mababang lugar.
Dahil dito, awtomatikong suspendido ang lahat ng klase sa Pre-school at Kinder sa buong lalawigan. Ipinagbawal din ng mga Philippine Coast Guard ang paglalayag ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat bilang pag-iingat sa inaasahang masamang lagay ng panahon.
Batay sa 5:00 AM advisory ng PAGASA, ang sentro ng bagyong Tino ay huling namataan sa layong 430 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar, taglay ang lakas ng hanging 110 km/h malapit sa gitna at bugsong umaabot sa 135 km/h, habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 30 km/h.
Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng maging typhoon category si Tino sa loob ng susunod na 12 oras, at maaaring mag-landfall sa pagitan ng Eastern Samar, Leyte, o Dinagat Islands ngayong gabi o sa unang bahagi ng Martes, bago tumawid sa Visayas at hilagang Palawan.
Samantala, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Eastern Visayas at northeastern Mindanao, habang Signal No. 1 naman ang nakataas sa ilang bahagi ng MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao, kabilang ang Romblon Province.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Romblon ang mga residente, lalo na sa mga mababang lugar, na maging alerto, maghanda sa posibleng paglikas, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA.




































Discussion about this post