Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang lalaki na mahigit 11 taon nang wanted sa kasong rape matapos itong bumaba ng barko sa Poctoy Port, Barangay Batiano, Odiongan dakong 2:45 ng madaling-araw noong October 8.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang suspek bilang si alias Danny, 54 taong gulang, may asawa, isang construction worker, at residente ng Barangay Limon Sur, Looc, Romblon.
Ayon sa ulat ng pulisya, nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas pa noong Oktubre 7, 2014 ni Hon. Jose M. Madrid, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 82, Odiongan, Romblon, para sa kasong rape na walang nirerekomendang piyansa.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Regional Intelligence Division, MIMAROPA (lead unit) sa pangunguna ni PCPT Giselle Anne M. Sigue, sa ilalim ng superbisyon ni PCOL Vincent C. Templo, katuwang ang Looc Municipal Police Station na pinamumunuan ni PMAJ John Anthony G. Angio, kasama ang Provincial Intelligence Team (PIT) Romblon at Romblon Technical Support Platoon (TSP).
Matapos ang pagkakaaresto, dinala si alias Danny sa Looc Municipal Police Station para sa dokumentasyon bago ito ipaturn-over sa korte ng pinagmulan para sa karampatang disposisyon.
Ayon sa pulisya, ang pagkakaaresto kay alias Danny ay bahagi ng patuloy na operasyon ng Romblon Police Provincial Office laban sa mga wanted persons sa lalawigan.



































