Isang 45-anyos na tricycle driver ang inaresto matapos makuhanan umano ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant sa Barangay Bagacay, Romblon noong Mayo 22.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency Romblon Provincial Office kasama ang Romblon Municipal Police Station, 4th Platoon ng Romblon PMFC, Romblon MAPSTA, Romblon PIU, at Coast Guard Sub-Station Romblon ang implementasyon ng Search Warrant No. 47-26 laban sa suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165.
Sa isinagawang paghahalughog sa bahay ng suspek, nakarekober ang mga operatiba ng limang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang opened sachet na may drug residue, improvised drug paraphernalia kabilang ang aluminum foil, tweezers, improvised tooter, lighters, gunting, vape juice box, at iba pang kagamitan na umano’y ginagamit sa iligal na droga.
Ayon sa pulisya, tinatayang nasa walong gramo ng hinihinalang ilegal na droga ang nakumpiska na may standard drug price na umaabot sa ₱54,400.
Matapos ang operasyon, agad na inaresto ang suspek at ipinaalam sa kanya ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at mga karapatan nito sa wikang nauunawaan niya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Romblon Municipal Police Station ang suspek habang nasa pangangalaga naman ng PDEA ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Mahaharap ang suspek sa kaukulang kaso.



































Discussion about this post