Isang 26-anyos na lalaki ang walang malay na dinala sa ospital matapos bumangga ang minamanehong SUV sa metal barrier ng covered court sa Barangay Bangon, Odiongan, dakong 3:20 ng madaling-araw, Sabado, Oktubre 25.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Jose”, isang binata at OFW na residente ng Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (MPS), lumalabas na nagmula umano si Jose sa isang inuman sa Barangay Poctoy at pauwi na sana sa kanilang bayan sakay ng kotse. Habang binabaybay ang National Road sa Barangay Tabing Dagat, una umanong nasagi ng SUV ang isang nakaparadang motorsiklo sa harap ng bahay ng isang abugado. Pagkaraan nito, tumama rin ang sasakyan sa roll-up door ng isang gusali, na nagresulta sa pagkasira ng harapan ng establisimyento.
Tuloy-tuloy pa ring nagmaneho ang lalaki hanggang Barangay Bangon, kung saan nawalan umano ito ng kontrol at bumangga sa metal barrier ng covered court.
Agad namang rumesponde ang MDRRMO Odiongan at dinala ang walang malay na biktima sa Romblon Provincial Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Ang SUV ay nagtamo ng pinsala at kasalukuyang nasa kustodiya ng Odiongan Police.
Batay sa ulat, nakainom umano ng alak ang biktima bago ang insidente. Sa ngayon, inihahanda na ng pulisya ang kasong “Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Property” laban sa driver.



































