Patay ang isang lalaking estudyante matapos umano itong mahulog sa bangin at matagpuang nakalutang sa dagat sa Barangay Budiong, Odiongan, Romblon, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nitong Linggo, Oktubre 26.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si alyas “John,” binata, residente ng Barangay Limon Norte, Looc, Romblon, at kasalukuyang estudyante.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, bandang alas-2:00 ng madaling araw ay niyaya umano ng biktima ang kanyang kaibigan na kumain ng lugaw sa Odiongan. Kasunod nito, nakipag-chat umano si “John” sa isang opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) mula sa bayan at inimbita sila nitong magkita para mag-inuman.
Matapos kumain, nagtungo ang tatlo sa isang kilalang pasyalan sa Barangay Budiong upang uminom. Habang nagkakasiyahan, napansin umano ng mga kasama na lasing na ang biktima at pinayuhan nila itong tumigil na sa pag-inom. Ilang sandali pa, tumayo umano ang biktima at sinabing siya ay nasusuka, dahilan upang alalayan siya ng kaibigan.
Pagkaraan ng ilang minuto, napansin nilang nawawala ang biktima. Nang hanapin ito, nakita ang tsinelas ng binata malapit sa sirang bahagi ng bakod sa gilid ng bangin na tinatayang may lalim na 60 talampakan.
Agad nilang sinuyod ang paligid at nang bumaba sa dalampasigan, nakita nila si “John” na walang malay at nakalutang sa dagat. Humingi sila ng tulong sa mga residente, at agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO Odiongan, BFP Odiongan, at Odiongan Police Station.
Naisugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa paunang pagsusuri, nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima na posibleng dulot ng pagkakabangga sa mga bato matapos mahulog sa bangin.



































