Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglalaan ito ng ₱100 milyon para sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong “Opong” sa lalawigan ng Romblon, bilang bahagi ng agarang tulong mula sa pamahalaang nasyonal.
Ang pahayag ay ginawa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanyang pagbisita sa bayan ng Cajidiocan, Sibuyan Island, nitong Linggo, Oktubre 5, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking hindi nakakalimutan ng pamahalaan ang mga Romblomanong labis na naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Gatchalian, bukod sa family food packs na ipinamamahagi sa mga bayan ng Romblon, sisimulan na rin ngayong linggo ang Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan. Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng ₱5,000 ang mga may partially damaged na bahay at ₱10,000 naman para sa mga totally damaged homes.
Unang mabibigyan ng ayuda ang mga bayan ng Cajidiocan, San Fernando, Magdiwang, Romblon, Alcantara, Santa Fe, at Banton, habang ang ikalawang batch ng payout para sa natitirang mga bayan ay inaasahang sisimulan sa loob ng tatlong linggo.
Matapos makipagpulong sa mga lokal na opisyal, binisita rin ng kalihim ang Barangay Cambalo National High School, kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng 115 family food packs at iba pang non-food items sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
Batay sa ulat ni Cong. Eleandro Jesus Madrona sa DSWD, naapektuhan ng Bagyong Opong ang lahat ng 219 barangay sa buong lalawigan, kung saan halos 29,000 residente ang inilikas sa kasagsagan ng bagyo.
Ayon sa pinakahuling tala ng ahensya, mahigit 17,000 family food packs na ang naipadala sa mga apektadong barangay sa Romblon.
Tiniyak ni Gatchalian na magpapatuloy ang pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan, sa pagbibigay ng tulong at pagsubaybay sa pagbangon ng mga Romblomanon.



































