Aabot sa 1,200 kabahayan mula sa limang barangay sa bayan ng Ferrol ang makikinabang sa natapos na Water Supply System Project ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng lokal na pamahalaan.
Pinondohan ang proyekto sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) ng DILG na nagkakahalaga ng P13.33 milyon at ipinatupad ng pamahalaang bayan.
Kabilang sa mga isinagawa sa proyekto ang drilling at pag-install ng mga pump na kayang maglabas ng hanggang 10 liters per second ng tubig, paggawa ng transmission at distribution pipes papunta sa mga Barangay Hinag-oman at Agnocnoc, paglalagay ng mga control valves at iba pang electrical works, gayundin ang pagtatayo ng pumphouse at chlorination facilities.
Layunin ng proyekto na tugunan ang kakulangan ng access sa malinis na inuming tubig, partikular sa Hinag-oman at Agnocnoc, at masolusyunan ang problema sa mahinang tulo ng tubig tuwing peak hours.
Pinasinayaan ang proyekto noong Setyembre 3, na dinaluhan nina DILG Romblon Provincial Director German Yap, Mayor Christian Gervacio, at mga kinatawan mula sa DILG MIMAROPA.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Mayor Gervacio sa DILG at binigyang-diin ang kahalagahan ng proyekto.



































