Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga bayan ng San Agustin, Alcantara, at Ferrol sa lalawigan ng Romblon dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP) ng ahensya.
Sa isang seremonya nitong Lunes, iginawad sa tatlong munisipalidad ang Balangay Seal of Excellence, ang pinakamataas na parangal mula sa PDEA, bilang patunay sa kanilang masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga at sa aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga drug-free na komunidad.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Romblon, San Agustin, Alcantara, at Ferrol lamang ang nagkamit ng nasabing parangal sa buong rehiyon ng MIMAROPA, na lalong nagpapatingkad sa kanilang natatanging tagumpay.
“Matagumpay na napanatili ng mga munisipalidad na ito ang kanilang Drug-Cleared status, na malaki ang naiambag sa pagtataguyod ng ligtas at drug-free na mga komunidad. Ang kanilang sipag, tiyaga, at pagkakaisa ay tunay na kapuri-puri,” pahayag ng DILG Romblon.
Layon ng Barangay Drug Clearing Program na linisin ang mga barangay mula sa presensya ng ilegal na droga sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng mga barangay, lokal na pamahalaan, pulisya, at iba pang ahensya ng gobyerno.



































