Sa pormal na pagtatapos ng provincial canvassing ng mga boto, nagbigay ng kaniyang closing remarks si Atty. Ryan V. Santos, Chairperson ng Provincial Board of Canvassers (PBOC) ng lalawigan ng Romblon, kung saan binigyang-diin niya ang mahaba at masusing preparasyon na kalakip ng bawat halalan at ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapanatili ang integridad ng eleksyon.
“Hindi po seasonal ang trabaho ng COMELEC. Ang isang eleksyon po, we need at least two years to prepare, so mahirap na preparasyon po ito. It was very long, it was very grueling, [and] it was very taxing to all of us,” aniya.
Gayunpaman, taos-puso rin siyang nagpasalamat sa mga katuwang ng Commission on Elections (COMELEC) sa matagumpay na pagpapatupad ng eleksyon habang kinilala rin niya ang kontribusyon ng Department of Education (DepEd), lalo na ang mga guro ng lalawigan, ang mga miyembro ng law enforcement agencies, at ng mga tanggapan sa pambansa at lokal na antas.
Bilang pagtatapos, binati ni Atty. Santos ang mga kandidatong nanalo sa halalan at hinikayat silang paglingkuran nang tapat ang mga mamamayan ng Romblon.



































