Tinatayang 188 Romblomanon ang nagtapos sa iba’t ibang technical-vocational education and training programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Odiongan noong Agosto 19, na naglalayong ihanda sila para sa trabaho, kabuhayan at pagnenegosyo.
Ipinagkaloob ang certificates sa mga graduates sa isang graduation ceremony na isinabay sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng TESDA, na nilahukan ng iba’t ibang Technical-Vocational Institutions (TVIs) sa bayan.
Kabilang sa mga kursong natapos ng mga graduates ang Agricultural Crops Production NC II, Organic Agriculture Production NC II, Bread and Pastry Production NC II, Food and Beverage Services NC II, Security Services NC II, Hilot (Wellness Massage) NC II, Housekeeping NC II, at Shielded Metal Arc Welding NC I hanggang NC III.
Ayon kay TESDA Assistant Regional Director Atty. Glenn Niño M. Sartillo, humigit-kumulang ₱4.98 milyon ang inilaan ng pamahalaan para sa training at skills development ng mga nagtapos.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Sartillo na hindi dapat ituring na pagtatapos ng paglalakbay ang graduation, kundi simula ng mas maraming oportunidad para sa mga graduates.
Aniya, mula sa pagiging estudyante at learners, dumaan ang mga ito sa assessment hanggang sa maging mga skilled at certified worker.
Hinimok niya ang mga graduates na gamitin ang kanilang bagong kasanayan hindi lamang para sa sariling kapakinabangan kundi maging sa paglikha ng oportunidad para sa kanilang pamilya at komunidad.
Ayon kay Sartillo, maaaring gawing daan ng bawat kasanayan ang paglikha ng trabaho at kabuhayan—mula sa paggawa ng tinapay at pastry, housekeeping at wellness massage hanggang sa welding at iba pang technical-vocational skills.
Binigyang-diin din niya na may dignidad at halaga ang bawat marangal na trabaho at hinikayat ang mga graduates na magpatuloy kahit makaranas ng rejection, kabiguan o iba pang hamon sa paghahanap ng trabaho o pagsisimula ng negosyo.
“Fall, but rise. Fail, but learn. You may lose an opportunity, but look for another. Success often belongs to those who simply refuse to give up,” ani Sartillo.
Aniya, ang tunay na pagsubok ay nagsisimula pagkatapos ng graduation, kung saan kailangang patunayan ng mga graduates kung paano nila gagamitin ang mga kasanayan at oportunidad na ipinagkaloob sa pamamagitan ng TESDA.
Inaasahang makatutulong ang mga natapos na programa upang magkaroon ng mas maraming Romblomanon ng kakayahang makahanap ng trabaho, mapalawak ang kanilang kasalukuyang kabuhayan o makapagsimula ng sariling negosyo, at sa huli ay makatulong sa pagbuo ng mas skilled at employable na workforce sa lalawigan.



































Discussion about this post