Pinalawak ng Samahang Manggagawa ng Sampong (SAMASA) sa Concepcion, Romblon ang kanilang chicken housing para sa ready-to-lay (RTL) chickens gamit ang bahagi ng kinita mula sa kanilang egg production project sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2.
Umabot sa mahigit ₱60,000 ang ginastos ng samahan para sa pagpapalawak at pagpapatibay ng chicken housing, na natapos sa loob ng dalawang buwan. Gumamit ang grupo ng kawayan, coco lumber at galvanized iron sheets sa pagtatayo ng pasilidad na may kapasidad na hanggang 1,000 manok.
Mayroon ding dryer para sa dumi ng manok ang pasilidad na planong gamitin ng samahan bilang pataba sa municipal demo farm sa ilalim ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Nauna nang nakatanggap ang SAMASA ng 300 RTL chickens mula sa SAAD at nakatakda namang makatanggap ng karagdagang 700 manok, 15 chicken cages at iba pang production inputs sa ikatlong quarter ng 2026.
Mula sa kanilang ikalawang batch ng RTL chickens, nakapag-ani ang samahan ng 35,805 itlog at nakapagtala ng ₱209,912 kita mula Enero hanggang Hunyo 2026.
Aabot naman sa pito hanggang walong tray ng itlog kada araw ang naibebenta ng samahan sa mga residente ng Sibale Island.
Tumaas din ang demand sa itlog nang makansela ang ilang biyahe ng bangka patungong Pinamalayan, Mindoro dahil sa mga gale warning. Pangunahing pinagkukunan umano ng suplay ng pagkain ng island community ang Mindoro.
Bahagi rin ng kinita mula sa egg production ang inilaan ng SAMASA sa kanilang loan program para sa mga miyembro. Maaaring makahiram ang bawat miyembro ng hanggang ₱5,000, na may tatlong porsiyentong interes at isang buwang repayment period.
Ayon kay SAMASA President Carl F. Fabregas, malaking tulong ang patuloy na suporta ng SAAD sa pagpapalawak ng kanilang kabuhayan.
“Nagpapasalamat po kami sa SAAD sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa aming samahan. Mas lalo pong lumalakas ang loob namin sa pagnenegosyo dahil hindi kami pinabayaan ng SAAD mula noong nagsimula kami sa kambingan hanggang ngayon na lumalago na po ang aming kabuhayan,” ani Fabregas.
Bukod sa egg production, nagpapatuloy din ang SAMASA sa kanilang rice retailing business at livestock production bilang karagdagang pinagkukunan ng kita ng kanilang mga miyembro.
Layunin ng SAAD program na mabigyan ang mga benepisyaryo ng karagdagang oportunidad upang mapalago at mapanatili ang kanilang mga negosyo at mapalakas ang kakayahan nilang magkaroon ng mas produktibo at sustainable na kabuhayan.



































Discussion about this post