Matapos ang utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na imbestigahan ang isang barko patungong Romblon dahil sa umano’y overloading, nilinaw ng Montenegro Shipping Lines na lahat ng pasaherong sumakay sa biyahe mula Batangas patungong Odiongan noong Abril 13, 2025 ay pawang may mga tiket at walang iniwang pasahero.
Sa isang pahayag nitong Martes, iginiit ng kumpanya na wala ring naging insidente ng overloading sa nasabing biyahe.
“We confirm that no ticketed passengers were left behind and there were no instances of overloading during the trip,” ayon sa Montenegro Shipping Lines.
Inilabas ng kumpanya ang pahayag kasunod ng ulat na may shipping line na nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Batangas Port dahil sa umano’y pagbebenta ng labis na tiket, na nagdulot ng pagka-stranded ng ilang pasahero. Bagama’t hindi pinangalanan ng DOTr ang naturang kumpanya, umalma ang Montenegro at nilinaw ang panig.
Dagdag ng Montenegro, ang mga pasaherong may biyahe sa susunod na araw ay binigyan na ng maagang ticket bilang bahagi ng sistema upang mapagaan ang daloy ng pasahero sa terminal.
“Tickets dated April 14, 2025, were issued to relevant passengers, allowing them access to the passenger terminal area,” sabi pa ng kumpanya.
Discussion about this post