Apat na hydro power plant ang planong itayo ng Romblon Electric Cooperative Inc. (ROMELCO) sa isla ng Sibuyan bilang karagdagang pagkukunan ng suplay ng kuryente sa tatlong munisipyo sa lugar.
Kinumpirma ng pamunuan ng Romelco na sinimulan na ang teknikal na pag-aaral at pagkuha ng datos gaya ng taas ng tubig sa mga lugar na pagtatayuan ng planta.
Planong itayo ang mga planta sa mga barangay ng Lumbang Este at Weste, Danao, Cantagda sa Cajidiocan, at Silum sa Magdiwang.
Ayon kay Engr. Rene M. Fajilagutan, punong tagapamahala ng Romelco, hindi sila tumitigil sa pagbuo ng mga proyekto na makatutulong ng malaki sa mga miyembro at consumer para sa darating pang panahon.
Aniya, nagsagawa na rin sila ng malawakang pagpapakalat ng impormasyon sa mga residente ng mga nabanggit na barangay na pagtatayuan ng mga bagong planta at naging positibo naman ang tugon ng lahat kaagapay ang kanilang mga suhestiyon upang mas mapaganda pa ang proyekto.
Hangad din ng Romelco na makapag-tayo ng mini-hydro power plant sa bayan ng Romblon, Romblon dahil may isang site sa Brgy. Sablayan na may malaking panggagalingan ng tubig na kakayanin para sa magiging operasyon ng planta.(ABR/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)