Nais buuin ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang isang disposal committee na tututok sa tamang disposisyon ng mga sirang electric tricycles o e-trike ng lokal na pamahalaan.
Ito ay matapos pagtibayin ng konseho ang rekomendasyon ng Committee on Energy sa pangunguna ni SB member Don-Don Fernandez sa nakalipas na regular session ng Sangguniang Bayan.
Sa ilalim ng rekomendasyon, hihilingin sa Local Chief Executive na maglabas ng Executive Order para sa pagbuo ng disposal committee na mangangasiwa sa proseso para sa mga “unserviceable” na e-trike ng LGU.
Ang mga naturang e-trike ay kabilang sa 40 units na ipinagkaloob ng Department of Energy (DOE) sa lokal na pamahalaan ng Odiongan noong Mayo 2019 bilang bahagi ng Market Transformation through Introduction of Energy Efficient Electric Vehicles Project na pinondohan ng Asian Development Bank (ADB).
Layunin sana ng proyekto na isulong ang paggamit ng environment-friendly transport vehicles at mabawasan ang carbon emissions sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa ulat sa konseho, ilan sa mga e-trike ay hindi man lamang napakinabangan o nagamit habang karamihan sa mga unit ay hindi na operational.
Sa kasalukuyan, nakatambak na lamang ang mga sirang e-trike sa likod ng Municipal Evacuation Center ng Odiongan.
Layunin ng planong pagbuo ng disposal committee na matiyak na maayos at naaayon sa umiiral na regulasyon ang magiging disposisyon sa mga nasabing sasakyan ng pamahalaan.


































