Ibinahagi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Odiongan District Jail ang patuloy na paggamit ng e-dalaw system bilang alternatibong paraan ng komunikasyon ng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Jail Senior Inspector Rowenna Olivar, malaking tulong ang sistema lalo na sa mga pamilyang hindi kayang personal na bumisita sa kulungan dahil sa kakulangan sa pinansyal o iba pang dahilan.
“Malaking tulong ito sa mga pamilya na hindi makapunta sa jail, halimbawa kung nasa ibang lugar o abroad ang kanilang kamag-anak. Ito ang paraan para makapag-ugnayan sila,” ani Olivar.
Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng e-dalaw, ang mismong PDL ang tumatawag sa kanilang pamilya gamit ang mga device tulad ng tablet, computer, o cellphone na nasa loob ng pasilidad.
Ayon sa BJMP, halos araw-araw ay may gumagamit ng nasabing sistema, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga PDL na makausap ang kanilang mga mahal sa buhay kahit sa limitadong oras.
May maximum na limang minuto ang bawat session ng e-dalaw upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang PDL na makagamit ng serbisyo.
Sa kabila nito, nananatili pa rin ang face-to-face visitation para sa mga nais bumisita nang personal, maliban sa mga araw na walang dalaw tulad ng Lunes.
Binigyang-diin ng BJMP na mahalaga ang patuloy na komunikasyon ng mga PDL sa kanilang pamilya bilang bahagi ng kanilang emosyonal na suporta at rehabilitasyon habang sila ay nasa kustodiya.



































Discussion about this post