Natapos na ng pamahalaang lokal ng Odiongan ang pamamahagi ng cash assistance para sa lahat ng graduating college at senior high school students na residente ng bayan.
Ayon kay Engr. Reden Escarilla ng Local Youth Development Office, layunin ng programa na matulungan ang mga mag-aaral sa kanilang gastusin, lalo na sa thesis, projects, at graduation fees.
Batay sa talaan ng Local Youth Development Office, may 460 graduating college students mula sa Romblon State University at Erhard Systems Technological Institute ang nakatanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan. Bawat isa ay nakatanggap ng P2,500, mas mataas ng P500 kumpara sa P2,000 na ipinamahagi noong nakaraang taon.
Samantala, 805 graduating senior high school students mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Odiongan ang nakatanggap ng P1,000 na ayuda bilang suporta sa kanilang pagtatapos.
Sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic sa isang panayam na ito na ang ikalawang taon ng programa kung saan nagbibigay ang LGU ng tulong pinansyal sa mga graduating college students. Samantala, ito ang unang taon na napabilang ang mga graduating senior high school students sa nasabing programa.
Tiniyak din ni Fabic na ipagpapatuloy ang programang ito sa mga susunod na taon, kahit matapos na ang kanyang termino bilang alkalde.
Bukod sa cash assistance, nagbigay rin ng motivational talk ang ilang local officials upang hikayatin ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang pagsusumikap sa edukasyon. May ilang estudyante rin ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa lokal na pamahalaan dahil sa tulong na natanggap nila.
“Malaking tulong po ito sa akin at sa aking pamilya, lalo na sa mga bayarin sa graduation. Nagpapasalamat po kami sa lokal na pamahalaan dahil kahit papaano ay nabawasan ang aming iniintinding gastusin,” ayon kay Angela, isang graduating student mula sa RSU.
Patuloy na hinihikayat ng LGU Odiongan ang iba pang mag-aaral na pagbutihin ang kanilang pag-aaral dahil mananatiling bukas ang suporta ng lokal na pamahalaan sa sektor ng edukasyon.
Discussion about this post