Umabot hanggang semi-finals ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala sa katatapos lamang na WTA Miami Open 2025 na ginanap mula Marso 18–31, 2025, sa Miami Gardens, Florida, USA. Ang prestihiyosong torneo ay nilahukan ng 128 sa pinakamahusay na tennis players sa mundo.
Pumasok si Alex Eala bilang isang underdog sa torneo, dala ang kanyang world ranking na No. 140. Sa kabila nito, pinatunayan niya ang kanyang husay nang talunin ang ilan sa mga kilalang Grand Slam champions sa kanyang paglalakbay patungong semi-finals.
Sa round of 128, tinalo niya si Katie Volynets ng USA sa iskor na 6-3, 7-6. Sa round of 64, nanaig siya laban kay Jelena Ostapenko ng Latvia sa iskor na 7-6, 7-5. Sa round of 32, pinataob niya ang defending Australian Open champion na si Madison Keys ng USA sa iskor na 6-4, 6-2. Sa round of 16, awtomatikong nakausad si Alex matapos mag-withdraw si Paula Badosa ng Spain dahil sa injury. Sa quarterfinals, nagtagumpay siya kontra kay Iga Swiatek ng Poland, isang former world No. 1, sa iskor na 6-2, 7-5.
Sa semi-finals, nakaharap ni Alex si world No. 4 Jessica Pegula ng USA. Sa unang set, maaga siyang lumamang sa iskor na 5-2 at 40-30 habang nagsisilbi para sa set, ngunit dahil sa magkakasunod na unforced errors, naagaw ni Pegula ang panalo sa iskor na 7-6. Sa ikalawang set, bumawi si Alex at nanalo sa iskor na 7-5. Sa ikatlong set, ipinakita ni Pegula ang kanyang pagiging beterano at tuluyang tinapos ang laban sa iskor na 6-3.
Sa kabila ng pagkatalo, umani ng papuri si Alex mula sa tennis fans sa buong mundo. Nagbigay ng standing ovation ang crowd matapos ang kanyang laban kay Pegula, tanda ng paghanga sa ipinakita niyang galing. Dahil sa kanyang magandang kampanya, umakyat si Alex sa world ranking No. 75, ang pinakamataas niyang naabot sa kanyang professional career. Pasok na rin siya sa main draw ng French Open 2025 (Roland Garros), isa sa apat na Grand Slam tournaments sa tennis.
Samantala, sa iba pang resulta ng torneo, itinanghal na kampeon sa men’s singles si Jakub Mesnik ng Czech Republic matapos talunin si Novak Djokovic ng Serbia sa iskor na 7-6, 7-6. Sa women’s singles, wagi si Aryna Sabalenka ng Belarus laban kay Jessica Pegula ng USA sa iskor na 7-5, 6-2. Sa men’s doubles, nagtagumpay ang tambalan nina Marcelo Arevalo ng El Salvador at Mate Pavic ng Croatia, habang sa women’s doubles, nagkampeon sina Mirra Andreeva at Diana Shnaider ng Russia.
Isang malaking tagumpay ang kampanya ni Alex Eala sa Miami Open 2025, at patuloy siyang inaabangan ng mga Pilipino sa kanyang susunod na laban sa French Open 2025.