Nangako si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino na isusulong ang kapakanan ng mga barangay tanod at barangay health workers (BHWs) sa muling pagtakbo niya sa Senado.
Sa ginanap na dayalogo ngayong Huwebes kasama ang mga tanod at BHWs ng Naga City, iginiit ni Aquino ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang pagkilala at benepisyo sa mga tinatawag niyang “frontliners ng barangay” pagdating sa usapin ng seguridad at kalusugan.
Aniya, nararapat lamang na mabigyan ang mga ito ng buwanang suweldo, Philhealth coverage, libreng training, at libreng legal assistance sakaling malagay sila sa alanganin dahil sa kanilang tungkulin.
“Panahon na po na bigyan talaga ng tamang halaga ang mga tanod natin at mga tumutulong sa ating barangay,” ani Aquino.
“Huwag naman nating tratuhing volunteer. Tratuhin natin talagang nagtatrabaho dito po sa ating barangay,” dagdag pa niya.
Matatandaang inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 700 o Support for Barangay Workers Act noong 2016, subalit hindi ito naipasa bago matapos ang kanyang termino noong 2019.
Kasama sa pag-iikot ni Aquino si dating Bise Presidente Leni Robredo, na kasalukuyang tumatakbo bilang alkalde ng Naga City.
Discussion about this post