Nagtapos ang limang Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng Romblon District Jail ng kanilang Senior High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
Suot ang kanilang asul na toga at cap, tinanggap ng mga PDL ang kanilang diploma sa isang graduation ceremony noong Miyerkules, Abril 16, na dinaluhan ng kanilang mga kaanak bilang patunay ng kahalagahan ng edukasyon sa pagbabagong-buhay at reintegrasyon sa lipunan.
Isa sa mga nagtapos ay sinamahan ng kanyang ama sa pagkuha nito ng diploma.
“Ang edukasyon ang pinakamahalagang sandata na maaari nilang gamitin pagkatapos ng kanilang pananatili sa loob ng piitan,” pahayag nito.
Ayon kay Jail Inspector Fatima Rabino, kasalukuyang District Jail Warden, hindi lang umano graduates ang lima kundi mga simbolo rin ng pagbabagong-buhay.
“Patunay na walang hadlang sa taong may determinasyon at na bawat isa ay may karapatang magbago,” dagdag ni Rabino.
Dumalo rin sa programa si Principal II Angel Morgado, OIC ng Macario Molina National High School, kasama ang mga ALS implementers na sina Senior Jail Officer 1 Riza Fetalvero at Jail Officer 2 Leo Angelo Mayor. (with reports from Jail Officer 3 Joefrie Anglo, IO-BJMP MIMAROPA)
Discussion about this post