Nagkampeon at mag-uuwi ng gold medal ang Team Romblon sa 8-Ball Billiards Event – Secondary Boys matapos magtagumpay si Lee Anselm Rovira Lozada sa ginaganap na MIMAROPA Regional Athletic Meet 2025 sa Puerto Princesa City, Palawan kahapon. Tinalo ni Anselm ang kinatawan ng Occidental Mindoro A sa finals sa iskor na 5-3.
Bago marating ang championship round, dinaig muna ni Anselm ang Occidental Mindoro B sa eliminations sa iskor na 4-3. Sa quarterfinals, tinalo niya ang Oriental Mindoro sa iskor na 4-1, at sa semifinals ay pinabagsak naman niya ang host province na Puerto Princesa sa dikit na laban, 4-3.
Hindi na bago si Anselm sa MIMAROPA RAA Meet, dahil noong nakaraang taon ay lumaro rin siya para sa Team Romblon, ngunit nagtapos lamang sa ika-5 pwesto. Ngayong taon, bumawi siya at nagwagi ng gintong medalya—isang redemption year para sa kanya.
Si Anselm, 16 taong gulang at isang Grade 11 student mula sa Cajidiocan National High School, ay hindi agad nagsimula bilang isang billiards player. Ayon sa kanyang ina na si Mrs. Ching Lozada, soccer ang unang sport ni Anselm noong nasa elementarya pa lamang siya. Katunayan, naging bahagi siya ng soccer team ng kanilang paaralan sa Provincial Meet. Ngunit habang tumatagal, unti-unting nahilig si Anselm sa larong billiards, hanggang sa tuluyang ito na ang kanyang naging focus.
Dahil sa kanyang panalo, si Anselm ang magiging kinatawan ng MIMAROPA sa Palarong Pambansa 2025, na gaganapin sa Laoag, Ilocos Norte mula May 24 – June 2, 2025.
Discussion about this post