Patuloy ang tagumpay ng Team Romblon sa MIMAROPA RAA Meet 2025 matapos na masungkit ni Alexis Rico ang gintong medalya sa Pole Vault event sa huling araw ng kompetisyon, March 15, 2025.
Sa kanyang pinakamataas na talon na 3.30 meters, napagtagumpayan niya ang nasabing event at tinalo ang kanyang mga katunggali mula sa Puerto Princesa, na nagtapos sa ikalawa at ikatlong puwesto.
Bukod sa kanyang gold medal, nakapag-ambag pa si Alexis ng dalawang bronze medals para sa Team Romblon matapos siyang magtamo ng ikatlong puwesto sa Long Jump at ikatlong puwesto rin sa High Jump event. Sa parehong events, ang Puerto Princesa ang nag-uwi ng gintong medalya, habang Palawan naman ang nakasungkit ng pilak.
Si Alexis, 17 taong gulang at isang Grade 9 student mula sa Cajidiocan National High School, ay isa nang beterano sa MIMAROPA RAA Meet. Ito na ang kanyang ikatlong beses sa ganitong antas ng kompetisyon, at pangalawang beses naman na makakalahok sa Palarong Pambansa. Noong Palaro 2024, siya rin ang naging kinatawan ng MIMAROPA sa mga nabanggit na events.
Ayon sa kanyang tiyahin na si Ms. Lucille Rico, marami nang malalaking unibersidad sa Maynila ang nagpapakita ng interes na kunin si Alexis bilang kanilang atleta. Dahil dito, mas lalo pa niyang pinaghahandaan ang kanyang performance upang magkaroon ng mas malaking oportunidad sa hinaharap.