Sa kulungan ang diretso ng isang lalaki matapos maaresto sa isang entrapment operation ng pulisya dahil sa pagbebenta ng mga pekeng titulo ng lupa sa Sibuyan Island, Romblon nitong gabi ng Huwebes, March 13.
Ang suspek, nagpapakilalang si Allan D. Bantillo, ay umano’y General Overseer at Attorney-in-Fact ng isang Doña Lourdes Rodriguez Yañeza, na sinasabing may-ari ng buong Pilipinas.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang biktima na sinisingil ng suspek ng karagdagang bayad para sa isang pekeng titulo. Dahil dito, agad na naglatag ng entrapment operation ang mga awtoridad gamit ang boodle money.
Dumating ang suspek sa Sibuyan Island nitong Huwebes ng umaga at nakipagtagpo sa biktima sa gabi. Dito na siya naaktuhan at inaresto ng pulisya.
Sa mas malalim na pagsisiyasat, nadiskubreng may nakabinbing warrant of arrest ang suspek.
Sa pagsasaliksik ng Romblon News Network, nasangkot na rin ang suspek sa mga kaparehong insidente, kabilang ang pamimigay ng mga pekeng Certificate of Land Occupancy sa mga professional squatters, gaya ng mga kaso sa Malay, Aklan noong 2017, at sa Quezon City noong 2009.
Sa isang advisory ng National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates, kabilang si Bantillo sa mga inirereklamo sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa San Fernando Municipal Police Station, habang patuloy na dumarating sa istasyon ang iba pang nabiktima upang magsampa ng reklamo.
Discussion about this post