Nagkampeon ang 14-anyos na Arena International Master (AIM) at Arellano University Chiefs varsity player na si Jerick Faeldonia sa katatapos lamang na 1999 & Below Rapid Chess Tournament na ginanap sa Robinsons Galleria, Ortigas, Quezon City noong Marso 23, 2025. Nakuha ni Jerick ang titulo matapos magtala ng 6.5 puntos sa loob ng 7 rounds (6 panalo, 1 tabla).
Ang isang araw na torneo ay nilahukan ng 145 chess players mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang mga varsity players mula sa mga prestihiyosong unibersidad. Ilan sa mga lumahok ay ang mga chess veterans na sina Randy Culangan, Ervil Villa, Rommel Lucion, Ricardo Jimenez (Mandaluyong), Ryan Dimayuga (Lipa City), AGM Reu Sebolino (Sicilian Prodigy founder), Kristian Abuton (dating FEU varsity), Pahamtang Rigil Kent (Palarong Pambansa player), AIM Gabriel Ryan Paradero (Batang Pinoy gold medalist), Jorge Delgado (LPU varsity player), Gary Legaspi (multi-titled champion mula Laguna), Marlou Guatno (Tondo champion), Stephen Zane Quinto (NCAA silver medalist), at AFM Djon Cortes (NCAA varsity mula Bicol).
Patuloy ang momentum ni Jerick sa kanyang mga torneo ngayong 2025. Ito na ang kanyang ika-13 major title ngayong taon, kasunod ng kanyang kamakailang tagumpay sa National Age Group Chess Tournament sa San Jose, Batangas, kung saan nakapag-uwi rin siya ng dalawang parangal.
Tulad ng dati, sa bawat laban at torneo na sinasalihan ni Jerick Faeldonia, patuloy niyang ipinagmamalaki ang Romblon bilang kanyang probinsya at pinanggalingan.