Magbabalik-aksiyon ang Futsal Team ng Romblon State University (RSU) upang muling katawanin hindi lamang ang kanilang unibersidad kundi ang buong Region 4 sa nalalapit na National State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) Meet 2025. Ang naturang torneo ay gaganapin sa Camiguin State College, Camiguin Island mula Abril 22 hanggang 27, 2025.
Matatandaang itinanghal na kampeon ang RSU Team sa STRASUC Olympics 2024 na ginanap sa Palawan, dahilan upang sila ang maging opisyal na kinatawan ng Region 4 o STRASUC Team sa National SCUAA Meet. Ang paligsahang ito ay nilalahukan ng iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) mula sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas, kabilang ang BARMM.
Kabilang sa mga manlalarong bubuo sa RSU Futsal Team para sa National SCUAA Meet 2025 ay sina Alvin John Araque, Joseph Araque, Matthew Delos Reyes, Rainer Fernando, Josiah Francisco, Jomel Garachico, Jef Martinez, Noeva Moaje, John Ralph Recto, at Edgar Tumanon II. Ang kanilang koponan ay gagabayan ng kanilang mga coach na sina Dave Gamol at Aljhun Baldera. Upang mapalakas pa ang kanilang lineup, nagdagdag din sila ng dalawang manlalaro mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), sina Kurt Aaron Austria at Austin Christian Saito.
Ayon kay Coach Dave, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakapasok sa National SCUAA Meet ang Futsal Men’s Team ng RSU. Gayunpaman, hindi na bago sa kanya ang ganitong kompetisyon, sapagkat ito na ang kanyang ikaapat na beses na pangungunahan ang isang futsal team sa national level. Ilan sa mga highlight ng kanyang coaching career ay ang pagtatapos ng kanyang koponan sa ika-apat na puwesto noong unang maisama ang Futsal sa Nationals sa Batangas noong 2016, at ang pagiging first runner-up ng kanyang koponan sa Antique noong 2018.
Bagamat ito ay magiging bagong hamon para sa karamihan ng mga manlalaro, tiniyak nila na ibibigay nila ang kanilang 100% effort sa bawat laban. Sa kasalukuyang lineup, sina Alvin John Araque at Noeva Moaje lamang ang may naunang karanasan sa national level, nang sila ay bahagi pa ng Football Team ng RSU.
Magsisimula ang kanilang training sessions sa susunod na linggo bilang paghahanda para sa matinding kompetisyon sa National SCUAA Meet 2025.