Nakapagtapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang aabot sa 200 benepisyaryo sa Odiongan, Romblon ngayong Biyernes, March 14. Kinilala ng DSWD ang mga pamilyang ito bilang self-sufficient o may kakayahan nang tustusan ang kanilang pangangailangan nang hindi na umaasa sa programa.
Hinamon ni DSWD Undersecretary for Innovations Edu Punay ang mga nagsipagtapos na huwag nang bumalik sa kahirapan ngayong nakaahon na sila at nakapagtapos na ang kanilang mga anak.
“Ang challenge sa atin, hindi na kayo babalik sa dati ninyong buhay, hindi na kayo babalik sa kahirapan, sa dinanas na pagsubok sa nakaraan. Kaya dapat makakaya na nating makatayo sa sarili nating mga paa,” ayon kay Punay.
Bagama’t opisyal nang natapos ang kanilang pagiging miyembro ng 4Ps, sinabi ni Punay na patuloy silang bibigyan ng suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng iba pang programa ng pamahalaan upang matulungan silang mas mapaunlad pa ang kanilang kabuhayan.
“Patuloy namin kayong tutulungan para mas tumaas pa ‘yung level ninyo sa buhay. Ngayong naka-graduate na kayo, self-sustainable na kayo, gusto pa nating umangat pa yan,” dagdag ni Punay.
Ang 200 benepisyaryo ay bahagi lamang ng unang batch ng mahigit 600 pamilya sa Odiongan na nakatakdang magtapos sa 4Ps ngayong taon. Sa paglabas nila sa programa, inaasahang mapapalitan sila ng ibang Romblomanon na nangangailangan ng tulong mula sa 4Ps.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa gobyerno sa ilang taong gabay at suporta na kanilang natanggap.
Ayon kay Maricel Fabito, 13 taon nang miyembro ng 4Ps, malaki ang naitulong ng programa sa kanilang pamilya.
“Greatful po ako. Napakahirap ng buhay dati pero sa tulong ng 4Ps nakaraos kami, nakapagpatapos ng dalawa, ngayon ay LPT na sila, at tapos graduating na ‘yung pangatlo at ‘yung pang-apat ay siguradong kaya na namin,” pahayag ni Fabito sa PIA Romblon.
Samantala, dumalo rin sa seremonya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang lokal na pamahalaan ng Odiongan, na nangakong ipagpapatuloy ang suporta sa mga nagsipagtapos sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.
Discussion about this post