Isang bahay na nagsisilbi ring talyer, welding, at machine shop ang tinupok ng apoy sa Brgy. Pili, San Fernando, Sibuyan Island nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa may-ari ng bahay na si Simeon Rey, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga gamit na madaling masunog. Dahil dito, hindi na nila naisalba ang karamihan sa kanilang ari-arian, maliban sa mga sasakyang nakaparada sa labas ng bahay.
Posibleng lumang electrical wirings ang naging sanhi ng sunog, ayon kay Rey.
Ayon naman kay Fabert Reyes, pinsan ng biktima, agad na rumisponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Fernando dala ang dalawang fire extinguisher, ngunit dahil sa malakas na hangin, mabilis na lumaki ang apoy.
Sa kasamaang-palad, hindi nagamit ang fire truck ng San Fernando dahil sira ito mula pa noong nakaraang taon. Dahil dito, kinailangan pang humingi ng tulong sa BFP Cajidiocan at sa MDRRMO San Fernando, na nakatulong upang tuluyang maapula ang apoy bandang 4:30 ng hapon.
Tinatayang umabot sa ₱200,000 ang halaga ng mga napinsalang ari-arian sa insidente. Sa kabutihang-palad, walang naiulat na nasaktan o nasawi.
Sa ngayon, pansamantalang nakikituloy muna sa mga kamag-anak ang pamilya ng biktima habang sinusubukang bumangon mula sa trahedya. (with reports from Jayson Dela Cruz)