Aabot sa pitong sakay ng iba’t ibang motorsiklo ang sugatan matapos masangkot sa apat na magkakahiwalay na aksidente noong Linggo, Janaury 5, sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Romblon.
Batay sa tala ng Romblon Police Provincial Office, tatlo sa apat na aksidente ay naitala sa bayan ng Odiongan.
Sa Barangay Anahao, sugatan ang isang menor de edad matapos masalpok ito ng rider na si Edgar Gamos Forcadas, 62, sa kahabaan ng national road. Nagtamo ng head injury ang bata dahilan para isugod ito sa Romblon Provincial Hospital.
Nasalpok naman ng estudyanteng rider ang isang Honda City na kotse sa intersection ng Barangay Tulay noong Linggo. Sa lakas ng pagkakasalpok, natumba at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider at ang angkas nitong senior citizen at bata.
Nasalpok naman ng rider na si Jhonny Gadon Gabaldon, 60, ang isang motorsiklong nakapara sa gilid ng kalsada sa Barangay Batiano noong hapon ng Linggo. Natumba ito at nagtamo din ng sugat sa katawan.
Sa Barangay Panangcalan sa bayan ng San Fernando, Romblon naman naaksidente sina Joseph Robiso Ruga, 55, driver ng e-bike, at si Rolando Ruado Royo, 82, na driver naman ng isang motorsiklo. May tumawid umanong aso sa harap ni Ruga dahilan para iwasan niya ito ngunit dahil mabilis ang patakbo nang nasalikod nitong si Royo, nasalpok siya nito nang magpalit nang linya sa kalsada. Agad na ginamot ang dalawa sa San Fernando Rural Health Center at sa Sibuyan District Hospital.
Discussion about this post