Nagpahayag ng pasasalamat ang mga manggagawa sa rehiyon ng MIMAROPA matapos aprubahan ang dagdag na sahod na ipatutupad bago mag-Pasko.
“Makakatulong na din po ito kahit papaano lalo na po katulad sa akin na 12 hours po nagtatrabaho bilang security guard, sana ipatupad agad ng mga negosyante,” ayon kay Jayme Tejoso, isang security guard sa Romblon.
“Natuwa kami nang marinig namin itong balita. Waiting nalang kami kung kailan itataas ‘yung sahod namin. Basta sobrang saya namin. Mas lalo pa naming sisipagin sa trabaho dahil sa ganyang balita,” ayon kay Christine Fetalino na nagtatrabaho sa isang coffee shop.
Ang wage hike ay inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Nobyembre 27 at kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Disyembre 5, kasabay ng pagtaas ng sahod sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa ilalim ng bagong wage order, ang mga establisimyento na may higit sa 10 empleyado ay magkakaroon ng minimum na sahod na ₱430 kada araw, habang ang may 10 empleyado o mas kaunti ay magkakaroon ng minimum na ₱404 kada araw.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), “Sa pag-apruba ng NWPC sa wage orders, natukoy nilang ang parehong rehiyon ay sumunod sa mga pamantayan sa pagtukoy ng pagtaas ng sahod sa ilalim ng Republic Act Nos. 6727 at 10361, kabilang ang pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya, kakayahan ng mga employer na magbigay, at mga pangangailangan ng ekonomiya at panlipunang kaunlaran sa rehiyon.”
Bukod dito, makatatanggap ng dagdag na ₱1,000 ang buwanang sahod ng mga domestic workers sa MIMAROPA, kaya tataas ito sa minimum na ₱5,500 simula Disyembre 23.
Tinatayang 74,961 minimum wage earners sa MIMAROPA at CAR, kabilang ang 40,116 domestic workers, ang makikinabang sa dagdag sahod na ito, ayon sa DOLE.