Napinsala ang ilang bangka sa bayan ng Ferrol, Romblon matapos hampasin ng malalakas na alon kagabi, dala ng bagyong Kristine. Ilang bangka ay nabutas at naputol dahil sa lakas ng daluyong, ayon sa mga may-ari.
Ayon sa ilang residente, hindi nila agad naiangat ang kanilang mga bangka dahil sa kawalan ng daanan. Dati nilang ginagamit ang baybayin sa Poblacion, ngunit tinayo na dito ang isang seawall, na naging dahilan ng reklamo sa isang Barangay Forum ng Philippine Information Agency.
Ibinahagi ni Nestor Prado Sr. na dahil sa seawall, wala nang maayos na daanan para maiahon ang mga bangka, kaya tuwing masama ang panahon ay nagiging banta ito sa kanilang kabuhayan. Nakikipag-ugnayan na ngayon ang ilang mangingisda sa Department of Agriculture upang iulat ang pagkasira ng kanilang mga bangka.