Maraming reklamo ang natatanggap ngayon mula sa mga motorista na dumadaan sa isang ginagawang kalsada sa Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon, dahil sa kakulangan ng ilaw at mga warning signages sa lugar.
Ang nasabing kalsada ay itinuring na delikado, lalo na kapag gabi at maulan, dahil wala itong sapat na ilaw at madalas ay maputik.
May ilang naitalang aksidente na rin sa kalsadang ito, ayon sa mga ulat ng mga motorista na nakausap ng Romblon News Network. Ayon sa kanila, ang kondisyon ng kalsada ay nagiging mas delikado dahil sa kakulangan ng mga signages at early warning devices, na mas nagpapahirap sa pagmamaneho sa lugar.
Ayon kay Vice Mayor Joenan Sarmiento, ilang beses na niyang ipinaabot sa mga kinauukulan ang reklamo ng mga motorista.
Ayon sa bise alkalde, pinayuhan na niya ang mga gumagawa ng kalsada na lagyan ng mga warning devices, signage, at ayusin ang kalsada upang mawala ang putik, ngunit hindi umano natugunan ang kanyang mga payo.
Hinihikayat ng mga motorista at lokal na opisyal ang kontraktor ng nasabing proyekto na agarang aksyunan ang mga kakulangan sa kalsada upang maiwasan pa ang mga posibleng aksidente.