Tumanggap kamakailan ang Ferrol National High School ng 46 na laptop at isang television mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) bilang bahagi ng kanilang programa upang mapahusay ang mga kasanayan ng mga estudyante sa matematika, agham, at pagbabasa.
Ayon kay Karina Maño, officer-in-charge ng Ferrol NHS, malaking tulong ang mga laptop para sa mga estudyante upang masanay silang gumawa ng mga computerized projects ng DepEd.
Dagdag pa ni Maño, mahalaga ang mga ito bilang paghahanda para sa Programme for International Student Assessment (PISA) examinations ng mga estudyante na gaganapin sa 2025.
Ang proyektong ito ay bahagi ng pakikipagtulungan ng DepEd at Khan Academy upang mapaunlad ang digital learning resources sa 1,000 pampublikong paaralan sa buong bansa, kabilang ang Ferrol National High School.
Ayon kay Romblon Schools Division Superintendent Roger Capa, maliban sa Ferrol NHS, may iba pang mga paaralan sa probinsya na napabilang sa pilot project na ito ng DepEd at Khan Academy. Ang inisyatiba ay naglalayong palakasin ang digital learning upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa rehiyon.