Nagbigay ng babala ang Ecowaste Coalition laban sa mga produktong gaya ng paint at reusable bottles, partikular na ang mga tumblers, na naglalaman ng lead at iba pang mapanganib na kemikal.
Ayon sa grupo, sinuri nila ang 30 piraso ng tumblers mula sa iba’t ibang bansa, at karamihan dito ay natuklasang hindi ligtas dahil sa presensya ng lead.
Ang lead ay isang kemikal na maaaring magdulot ng “lead poisoning” kapag naipon sa katawan. Kahit mababang antas nito ay mapanganib sa kalusugan, lalo na sa pisikal at mental na aspeto.
Natukoy na ang mga stainless steel tumblers na may pintura at walang tamang label kung “lead-free” o “BPA-free” ay posibleng may lead. Karamihan sa mga produktong may lead ay nagmula pa sa ibang bansa.
Nagbigay ng paalala ang grupo na kapag bumibili ng mga painted tumblers, siguraduhing may label na “lead-safe” o “lead-free” at mula sa mapagkakatiwalaang manufacturer.
Kasama rin sa adbokasiya ng grupo ang pagbabawal sa lead paint upang maiwasan ang exposure, lalo na sa mga bata, dahil maaaring makaapekto ito sa kanilang pisikal at mental na pag-develop. Bukod dito, maaari ring magdulot ng miscarriage ang lead exposure sa mga nagbubuntis.
Bagaman may phase-out na ng mga pinturang may lead, mayroon pa ring mga nakakalusot na produkto sa pamilihan, tulad ng mga produktong galing China.
Sa isinagawang pagsusuri ng Ecowaste Coalition sa mga Standard Aerosol spray paints na ibinebenta sa Apalit, Pampanga at Pasay City, tatlo sa anim na variant ang bumagsak sa regulatory limit na 90ppm para sa dry paint. Kabilang dito ang Gongcheng Orange Red (63,570ppm), Orange Yellow (37,290ppm), at Jialing Red Colors (45,620ppm).