Isang lalaki ang inaresto ng mga operatiba ng Calatrava Municipal Police Station at Philippine Coast Guard matapos tangayin ang motorsiklo ng isang residente sa Gawad Kalinga Village, San Roque, Calatrava, Romblon noong madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon, ang motorsiklo ng biktimang si Bonifacio Famorcan Faderogaya, 41, ay nakaparada sa harap ng kanilang bahay ngunit nawala ito kinabukasan. Pinaniniwalaang naiwan ang susi sa ignition switch kaya natangay ang sasakyan.
Natukoy ang suspek na si Jastin Cano Susana, residente ng Antique, matapos itong makita ng isang saksi na minamaneho ang nawawalang motorsiklo.
Sa paghahanap ng pulisya, natuklasang sakay ng 2GO Vessel M/V St. Ignatius of Loyola ang suspek, patungong Caticlan.
Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Philippine Coast Guard at Sea Marshall ng barko, at agad na inaresto ang suspek pagdating sa Caticlan Port. Kumpirmado ng PCG Malay na ang dalang motorsiklo ni Susana ay ang nawawalang sasakyan ni Faderogaya.
Posibleng maharap ang suspek sa kaukulang kaso.