Mahigit isang daang katao ang dumalo sa isang forum ngayong araw, September 26, sa Ferrol, Romblon, na tinalakay ang kahalagahan ng wildlife conservation at ang mga posibleng mangyari kung mapapabayaan ang mga ito.
Ang forum na inorganisa ng Philippine Coast Guard, ay naglalayong magbigay ng kamalayan at kaalaman sa mga residente at opisyal ng barangay patungkol sa pangangalaga sa kalikasan, partikular sa mga wildlife na madalas matagpuan sa karagatan ng bayan.
Pinangunahan ni Psyche Mariño ang talakayan, at binigyang-diin niya na ang ganitong klaseng event ay isinagawa upang bigyan ng sapat na kakayahan at kaalaman ang mga opisyal ng barangay sa kung ano ang mga nararapat gawin sa oras ng emergency cases. Ilan sa mga halimbawa ay ang pagdating o pagkaka-stranded ng mga marine wildlife tulad ng mga pawikan, balyena, at dolphins. Tinalakay din kung paano dapat maagapan at maaksiyunan ng mga lokal na awtoridad at komunidad ang ganitong mga sitwasyon upang hindi masaktan o mapahamak ang mga hayop.
Ayon kay Mariño, mahalaga ang pagpaplano at koordinasyon upang maging matagumpay ang anumang pagsisikap sa pagsagip ng wildlife. Kailangan din aniya ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at organisasyon upang masiguro ang maayos at mabisang aksyon sa ganitong uri ng mga insidente.
Dagdag pa niya, ang mga ganitong forum ay makakatulong upang mapalawak ang kamalayan sa mga hamon na kinakaharap ng wildlife at hikayatin ang lahat na maging aktibong kabahagi sa kanilang proteksyon.