Idinulog na sa MIMAROPA Regional Development Council (RDC) ngayong araw sa Maynila ang sitwasyon sa labas ng Batangas Port na problema ng mga taga-MIMAROPA na uuwi sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon.
Ngayon kasi, ang mga pasahero ay kailangang maglakad pa ng malayo sa hindi pantay at hindi sementadong kalsada mula sa babaan ng bus papunta sa loob ng pantalan.
Ang mga ito umano ay maaaring magdulot ng mga aksidente gaya ng pagkadulas o pagkatisod, lalo na kung may dala-dalang mga bagahe o tuwing masama ang panahon.
Partikular na naapektuhan ang mga matatanda, mga may kapansanan, at mga pasaherong may mabibigat na dala, dahil sa hirap nilang makatawid sa pangit na daanan.
Wala ring mga nakatalagang pedestrian crossings o mga signal light sa paligid, na naglalagay sa panganib sa mga tumatawid sa mataong kalsada.
Dahil dito, nagkasundo ang konseho na magdaos ang NEDA MIMAROPA ng isang espesyal na pagpupulong sa mga concerned agency ng gobyerno upang mabilis na maresolba ang isyung ito.
Sa ginaganap na Regional Development Council meeting ngayong araw ay binigyang diin di ni Calapan City Mayor Malou Morillo na inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa buwan ng Nobyembre at Disyembre, kaya kinakailangan ng agarang aksyon upang mapagaan ang matagal nang problemang nararanasan ng mga gumagamit ng Batangas Port.