Nakilahok ang iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Romblon ngayong araw, Setyembre 26, sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na naglalayong ihanda ang publiko sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Sa bayan ng Ferrol, sumali ang mga kalahok sa ginaganap na Community-Based Marine Wildlife Rescue and Rehabilitation information drive sa Barangay Bunsuran, na pinangungunahan ng Philippine Coast Guard, sa pagsasanay kung saan sabay-sabay silang nag-dock, cover, and hold.
Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Ferrol ang earthquake drill. Maalalang nakaranas ng sunod-sunod na pagyanig ang Ferrol noong nakaraang taon dahil sa mga lindol sa Tablas Strait.
Katulad na aktibidad ang isinagawa sa Romblon State University sa Santa Maria campus at sa mga Barangay ng Paroyhog, Concepcion Sur, at Concepcion Norte sa bayan ng Santa Maria, bilang paghahanda rin sa mga lindol. Isa ang Santa Maria sa mga lugar na higit na maaapektuhan kung sakaling gumalaw ang Tablas Fault.
Samantala, nakiisa rin sa drill ang mga estudyante ng Romblon State University Sawang campus sa Romblon, Romblon, pati na ang San Andres campus.
Ayon kay Princess Eureika May Mindoro, campus nurse ng RSU Romblon Campus, mahalaga ang patuloy na paglilinang ng kahandaan ng mga empleyado at mag-aaral para sa mga sakunang darating. Ipinunto niya na sa pamamagitan nito, mas mapapabuti ang kakayahan ng lahat na tumugon sa mga emerhensiya.
Dagdag pa niya, patuloy na magtataguyod ng mga programa at aktibidad ang RSU na magpapatibay ng kamalayan at kahandaan ng komunidad sa mga sakuna. (with reports from Jordan Dorado, Emmanuel Calingasan, Hannah Gabrielle Concepcion/RNN)