Pinaplano ng pamahalaang lokal ng Ferrol, Romblon na pag-aralan ang game fishing bilang isang potensyal na isport upang mapalakas ang turismo sa bayan.
Ayon kay Ferrol Municipal Tourism Officer Arturo Muros, layunin ng inisyatibong ito na gamitin ang likas na yamang-dagat ng Ferrol at makaakit ng mga sports enthusiasts, lalo na ang mga interesado sa recreational fishing.
Sa PIA Barangay Forum noong Setyembre 25, ibinahagi ni Muros na may nakatakdang forum tungkol sa game fishing na gaganapin sa Romblon na pangungunahan ng isang external na grupo, at aktibong lalahok ang Ferrol upang mas maunawaan kung paano makikinabang ang bayan mula sa isport na ito.
“Kung maisasakatuparan ang planong ito, malaki ang maitutulong nito sa lokal na ekonomiya, lalo na sa mga residente na may mga negosyo tulad ng tindahan, kainan, hotel, at iba pang serbisyo,” ani ni Muros.
Dagdag pa ni Muros, ang game fishing ay patok na sa ibang mga probinsya, at kung maipatupad ito sa Ferrol, maaaring maging sentro ang bayan sa game fishing sa Romblon. Hindi lamang mga lokal na turista ang maaakit, kundi pati na rin ang mga dayuhang mahilig sa pangingisda.
Bukod dito, malaking benepisyo rin sa lokal na ekonomiya ang inaasahang pagdami ng mga turista, dahil mangangailangan ng mga serbisyo tulad ng lodging, boat rentals, at iba pang pasilidad pang-turismo, na maaaring humikayat ng mga bagong mamumuhunan at oportunidad para sa mga lokal na negosyo.