Bilang tugon sa mga reklamo ng ilang residente ng Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon kaugnay ng pagpili ng mga benepisyaryo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), hinihikayat ng ahensya ang mga kwalipikadong indibidwal na lumapit sa kanilang opisina o sa Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan upang humingi ng tulong.
Ayon kay Jovert Labay, Public Information Officer ng DOLE Romblon, limitado lamang ang pondo ng TUPAD program kaya’t hindi lahat ay maaaring mapabilang sa listahan ng benepisyaryo. Subalit, binigyang-diin niya na ang programa ay para sa mga taong lubos na nangangailangan ng interbensyon ng pamahalaan.
Batay sa mga patakaran ng DOLE, ang mga benepisyaryo ng programa ay mga disadvantaged workers, maliban sa mga empleyado ng gobyerno. Paliwanag pa ni Labay, ang listahan ng mga benepisyaryo ay karaniwang nagmumula sa PESO o barangay, at dumadaan ito sa proseso ng verification bago maisama sa pinal na listahan.
Para sa mga hindi agad napasama sa unang batch, tiniyak ng DOLE na patuloy nilang isasama sa mga susunod na listahan ang mga kwalipikadong indibidwal ayon sa itinakdang guidelines ng programa.
Si Labay ay isa sa mga bisita sa ginanap na PIA Barangay Forum kamakailan sa Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon.