Tinulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 59 na residente ng Odiongan sa ilalim ng Birth Registration Assistance Project (BRAP) upang makakuha ng kanilang birth certificate.
Kamakailan, isinagawa ang turn-over ceremony sa Municipal Hall ng Odiongan, kung saan ang mga benepisyaryo ay nabigyan ng kanilang mga birth certificate na naka-imprenta sa security paper.
Isa sa mga benepisyaryo si Jesusa Rafol, isang 82-taong gulang na residente, na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng sariling birth certificate.
Ayon kay Rafol, malaki ang maitutulong ng dokumentong ito sa kanyang mga transaksyon sa gobyerno, lalo na sa pag-avail ng mga nararapat na ayuda para sa kanya.
Ang BRAP ay inilunsad noong 2022 upang matulungan ang mga Pilipino na mairehistro ang kanilang pagkaanak at makakuha ng opisyal na birth certificate.
Dumalo sa seremonya si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at mga kinatawan mula sa PSA Romblon, upang ipahayag ang kahalagahan ng pagrehistro ng kapanganakan ng bawat indibidwal.
Discussion about this post