Kumpirmadong nakapasok na ang African Swine Fever o ASF sa Sibuyan Island, Romblon.
Ito ang kinumpirma sa Romblon News Network ni Dr. Paul Miñano ng Office of the Provincial Veterinarian at ni Cajidiocan mayor Greggy Ramos nitong gabi ng Martes, October 03.
Ayon kay Miñano, nagpositibo sa ASF ang blood sample na kanilang ipinasuri na nagmula sa Barangay Azagra sa bayan ng San Fernando, Romblon.
“Itong nagpositibo sa test ay sa isang barangay lang pero kung susuriin natin ‘yung history nito base sa imbestigasyon namin, nagmula talaga ito sa Barangay Canjalon kung saan hindi iniulat sa LGU na may mga namamatay na palang mga baboy tapos ‘yung karne pa, ipinagbebenta sa ibang barangay,” pahayag ni Miñano.
Ikinukunsidera na ni Miñano na ang lahat ng nasawi sa isla ng Sibuyan na may sintomas ng ASF ay positibo na sa sakit bagama’t sa Barangay Azagra palang na blood sample ang lumalabas na result.
Aniya, makikipagpulong ang kanilang opisina bukas sa National Meat Inspection Service at sa Department of Agriculture para sa agarang pagpapatupad ng selective depopulation kung saan kinakailangang patayin ang mga baboy na pasok sa 500 meter radius na may naitalang kaso ng ASF.