Nagtuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa, Land Bank of the Philippines (LBP), at mga lokal na pamahalaan sa patuloy na isinasagawang pamamahagi ng cash cards para sa Listahanan Identified Poor na benepisyaryo sa iba’t-ibang panig ng rehiyon ng Mimaropa.
Kabilang ang mga lalawigan ng Romblon, Oriental Mindoro at Palawan sa mga patuloy na pinagkakalooban ng mga cash cards.
Katuwang ng ahensiya ng DSWD ang mga local branches ng LBP sa Odiongan, Coron, West Puerto Princesa City, Calapan CIty, Pinamalayan at Roxas. Gayundin, katuwang din ng DSWD ang mga Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga municipal social welfare offices sa pagtukoy ng mga naturang benepisyaryo.
Ang naturang pamamahagi ay bilang pagpapatuloy ng pamamahagi ng cash cards sa mga benepisyaryo na hindi nakatanggap noong taong 2020.
Ang naturang cash cards ay naglalaman ng mga cash grants mula sa mga programang Unconditional Cash Transfer (UCT) at Targeted Cash Transfer (TCT) ng ahensiya. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)