Isinusulong sa Sangguniang Bayan ng Odiongan ang pagpasa ng isang ordinansa na maghihigpit sa mga aktibidad na may kinilaman sa paghuhukay ng lupa sa kahit anong lugar sa Odiongan.
Ito ay kasunod nang nangyaring aksidente sa Barangay Tulay kamakailan kung saan dalawang lalaki ang natabunan ng buhay sa hinuhukay nilang lupa na unang naiulat na treasure hunting site ngunit lumabas sa inisyal na police report na para di umano sa isang water source kahit ang hukay ay nasa loob ng kwarto ng isang bahay.
Sa privilege speech sa regular session ng Sangguniang Bayan ng Odiongan nitong May 9, sinabi ni Sangguniang Bayan member Manuel Fernandez Jr., na di-kapanipaniwala na ang malalim na hukay ay para sa isang “artesian well”.
Ang mga ganitong gawain umano ay dapat i-regulate para masigurong hindi na mauulit ang mga ganitong aksidente na nagresulta sa pagkasawi ng mga trabahador.
Ayon kay Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala, ang mga paghuhukay umano ay dapat kinukuhaan ng permiso mula sa Barangay.
“I propose that the Sangguniang Bayan will make an ordinance regulating ‘yang mga paghuhukay. Kahit ano man yung [hinuhukay], dapat kunan nila ng permit sa Barangay,” pahayag ng bise alkalde.
Ibinunyag rin ni Fernandez na hindi lamang di umano sa Barangay Tulay may nangyayaring ganitong panghuhukay kundi meron rin sa ibang barangay.
“Kasabay ng insidenteng ito, meron tayong ulat na natanggap na meron ring kasalukuyang nangyayaring paghuhukay sa Barangay Batiano at Barangay Tumingad. Hindi natin alam sa ibang barangay ay meron ring kahalintulad na insidente. Baka mabulaga nalang tayo na meron nanamang kahalintulad na insidenteng ito,” pahayag ni Fernandez.