Isang oil tanker ang lumubog bandang alas-2 ng madaling araw kanina sa Balingawan Point sa Tablas Strait malapit sa Naujan, Oriental Mindoro at isla ng Marinduque dahil sa malalakas na alon.
Ang MT Princess Empress ay may kargang 800,000 liters ng industrial fuel at lulan ang 20 na tripulante kasama ang kapitan ng barko na patungo sana ng Iloilo nang lumubog sa Tablas Strait. Nailigtas sila ng MV EFES.
Kinumpirma ni Batangas Port manager Joselito Sinocruz ang pangyayari at sinabing dadalhin sa Subic ngayong araw ang mga nailigtas na tripulante.
Naunang naibalita na sinabi ni Vincent Gahol, Provincial Disaster Risk Reduction Officer ng Oriental Mindoro na ang barko ay napadpad sa Mag-asawang Tubig River sa San Antonio, Naujan ngunit binawi ito kalaunan at sinabing magka-iba ang dalawa.
Patungo na ngayon sa lugar ang BRP Melchora Aquino, Coast Guard Aviation Force at ang Coast Guard District Southern Tagalog para magbigay ng assistance at silipin kung may oil spill.