Ayon sa inilabas na datos ng DILG MIMAROPA sa isinagawang pagpupulong ng Regional Task Force ELCAC Technical Working Group kamakailan, mayroong nakalaan na pondo na nagkakahalaga ng Php 198,123,044.73 para sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan para sa Support to the Barangay Development Program (SBDP) sa 2023.
Mayroon 13 na bayan sa rehiyon ang pagkakalooban ng proyekto para sa taong 2023; kung saan 19 naman na barangay ang natukoy na nangangailangan ng interbensyon at proyekto mula sa pamahalaan. Sa kabuoan; 29 ang nakatayang ipagagawa na proyekto sa mga naturang barangay. Pagkakalooban ang bawat barangay ng halagang Php 10,427,528.67 na proyekto ayon sa 2023 SBDP.
Ayon pa sa datos, halos lahat ng pinanukala ng mga 19 na barangay ay may kinalaman sa pagpapagawa nang maayos at konkretong farm-to-market road upang iugnay ang malalayo at liblib na lugar sa poblacion; at, upang mapabilis ang pag-aangkat ng mga produkto nila sa merkado. Dalawang barangay naman sa Puerto Princesa, Palawan ang nangangailangan ng tulong upang magkaroon ng kuryente o elektrisidad sa kanilang lugar. Level 1 Potable Water Supply System naman ang hiniling na proyekto sa Bgy. Cabugao sa bayan ng Bulalacao sa Oriental Mindoro.
Ang mga panukalang proyekto ay ipatutupad ng mga pamahalaang panlalawigan at manggagaling ang pondo sa alokasyon ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng General Appropriations Act 2023.
Sa pamamagitan ng mga panukalang proyektong ito ay inaasahan na magpapatuloy ang pag-unlad ng komunidad na nalinis na ng Armed Forces of the Philippines mula sa impluwensya ng communist terrorist group. (JJGS/PIA MIMAROPA)