Handa ng sumabak sa darating na pambansang kompetisyon ang kinatawan mula sa Occidental Mindoro State College – Labangan Campus matapos masungkit ang pinakamataas na puntos sa katatapos na regional championship competition ng 26th Philippine Statistics Quiz na ginanap sa Kalap Hall ng City College of Calapan na sabayang isinagawa sa buong bansa kamakailan.
Sa 13 nagwagi mula sa panlalawigang lebel buhat sa limang lalawigan ng rehiyon, pinalad si Rhush B. Necesito ng nasabing kolehiyo matapos makakuha ng 22 puntos sa tatlong round ng kompetisyon habang dalawang puntos ang kanyang naging kalamangan sa nakakuha ng ikalawang puwesto mula sa Mindoro State University – Main Campus na si Karl Harvy D. Seño at ang pumangatlo na kumamada ng 19 na puntos mula pa rin sa Occidental Mindoro State College ay si Xander M. Bañaga.
Tumanggap ng cash prize si Necesito na nagkakahalaga ng P15,000 habang si Seño ay P12,000 at si Bañaga naman ay P7,000, gayundin ang kanilang mga coaches na may kaukulang halaga.
Bukod sa mga nabanggit na paaralan ay kabilang din sa mga sumali ang Palawan State University, Marinduque State College Institute of Agriculture, Holy Trinity University at Romblon State University – Main Campus.
Samantala, ang pambansang kompetisyon ay nakatakdang ganapin sa Maynila ngayong darating na Disyembre 6. (DN/PIA-OrMin)