Nakatakdang itayo sa lungsod na ito ang Regional Government Center (RGC) sa pamamagitan ng ‘Usufruct Agreement’ matapos isinagawa ang 3rd Quarter Meeting ng Regional Government Center Management Committee (RGCMC) sa conference room ng City Hall sa Brgy. Guinobatan kamakailan.
Pinangunahan ng Chairperson ng RGCMC na si City Mayor Marilou Flores-Morillo ang nasabing pagpupulong kung saan pinagplanuhan ng komite ang nakatakdang pagpapatayo ng nasabing gusali sa 51,100 metro kuwadradong lupain na matatagpuan sa Brgy. Sta. Isabel sa lungsod din na ito
Layunin nito na pagsama-samahin sa iisang lugar ang iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno o regional line agencies ng pamahalaang nasyunal at maging sentro ng pamamahala sa rehiyon na nakasaad sa Article VI, Section 27 ng Republic Act 10879.
Dahil sa pagkakaroon ng RGC, mapapabilis na anya ang pag proseso ng mga dokumento na kailangan ng mga taga Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan lalo na sa mga taga lungsod na makakatulong din sa pagpapabilis ang pag-unlad ng mga lalawigan sa rehiyon.
Dumalo sa nasabing pulong ang mga kinatawan mula sa National Economic and Development Authority (NEDA), Land Registration Authority (LRA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine National Police (PNP) at iba pa. (DN/PIA-OrMin)