Nasa 12 sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang droga na tumitimbang ng 11.1 gramo ang nakumpiska sa isang 28 anyos na lalaki na kinilalang si Floyd Julao Pereña, residente ng Brgy. Tibag, Calapan City, Oriental Mindoro matapos mabilhan ng isang sachet sa halagang P3,500.
Nahuli si Pereña sa kahabaan ng C-5 Rd. (Nautical Hi-way) malapit sa Sta. Isabel Cockpit Arena sa Brgy. Sta. Isabel sa lungsod ng Calapan bilang joint operation sa pamamagitan ng drug buy-bust operation na isinagawa ng Police Provincial Drug Enforcement Unit, Police Drug Enforcement Group Special Operation Unit at Calapan City Drug Enforcement Team dakong 2:10 noong Setyembre 15.
Ayon kay PDEU Chief, PLt Robert De Guzman, kalalaya lang ng suspek noong nakaraang buwan ngunit nakatanggap sila ng impormasyon na balik uli ito sa pagbebenta ng iligal na droga kaya inoperate nila ito.
Bukod sa nakumpiskang mga items na nagkakahalaga ng P75,480 ay kinuha din ng mga operatiba ang isang kaha ng sigarilyo kung saan nakuha ang 11 sachet ng pinaghihinalaang shabu at ang marked money na tatlong tig-iisang libong piso na boodle money at isang tunay na limang daang piso.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Calapan City Police Station si Pereña habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA9I65 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.