Inaasahang malaki ang maitutulong sa pagpapalago ng turismo sa Romblon ang pagbubukas ng bagong ruta ng eroplano ng AirSWIFT Airlines Philippines sa probinsya ng Romblon.
Ito ang mensaheng ipinaabot ni Governor Jose Riano nang ito ay magbigay ng talumpati sa maikling programa na ginanap sa Romblon Airport nitong September 24, kasabay ng maiden flight ng eroplano.
Ibinida ng Gobernador sa mga unang pasahero ng AirSWIFT ang iba’t ibang puwedeng pasyalan sa lalawigan kagaya ng sikat ng Bonbon Beach sa Romblon at ang Blue Hole sa bayan ng San Agustin.
Ani pa ng Gobernador, target ng probinsya ng Romblon na maging “top tourist spot in the Philippines” at magagawa umano ito sa tulong ng mga partner sa transportasyon at sa turismo.
Nagpasalamat naman ang gobernador sa Department of Tourism, sa Civil Aviation Authority of the Philippines, at sa AirSWIFT sa pagtutulungan upang muling magkaroon ng biyahe ng eroplano sa probinsya.
“This partnership will open more tours and opportunities to the province,” pahayag ng gobernador.
Malaki rin umanong bagay ito lalo na at mas makakatipid sa oras ang mga biyahero kumpara sa pagsakay sa mga Roll-on/roll-off (RORO) na barko.
Ang Airswift ay bumabiyahe tuwing Martes at Sabado mula Manila patungong Tablas, Romblon at pabalik.