Binuo kamakailan ang ‘Regional Council Against Child Labor’ upang palakasin ang kampanya laban sa pagtatrabaho ng mga bata.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Mimaropa, na isinagawa kamakailan sa Marco Vincent Resort and Hotel sa Puerto Galera, bilang bahagi ng selabrasyon ng ‘2022 World Day Against Child Labor’,
Ang council ay binubuo ng mga konsernadong ahensiya ng pamahalaan at non-government organizations (NGO).
Tinalakay sa nasabing aktibidad ang karapatan ng mga bata na kung saan sinasabi na ito ay tumutukoy sa 17 taong gulang pababa na hindi kayang alagaan at ipagtanggol ang kanyang sarili.
Nagkaroon ng maikling workshop na pinamunuan ni Maureen Alva ng DOLE Mimaropa kung ano ang pagkakaiba ng child labor at child work upang lubos na maunawaan ang tunay na kahulugan nito.
Ilan sa mga puntos na tinalakay ay ang pagkakaiba ng child work at child labor. Ang child work aniya ay ang pagtatrabaho ng bata na ayon sa kanyang edad at kakayahan. Trabaho na ginagawa sa limitadong bilang ng oras at hindi nakakasagabal sa pag-aaral, paglalaro at pagpapahinga ng bata, trabaho na nakakatulong sa pisikal, mental at emosyonal sa pag-unlad at pana-panahon lamang.
Ang child labor naman ay ang pag tatrabahong may kabigatan sa bata para sa edad nito na siyang mapanganib para sa kanilang mental, pisikal, sosyal at mental na aspeto. Trabaho ng mahabang oras na siyang humahadlang sa kanilang oportunidad para mag-aaral, maglaro at pagpapahinga tulad na lamang ng pagtatrabaho sa mga planta simula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. At ang trabaho na nagdudulot ng kapagalan at pang-aabuso sa kalagayang pisikal, mental at emosyonal ng isang bata.
Ang mga nagiging sanhi ng child labor, ayon pa kay Alva, ay kadalasan na walang trabaho ang mga magulang o kapos ang kinikita at desperadong makahanap ng malaking pagkakakitaan. Kasama din dito ang kulang sa impormasyon tungkol sa libreng edukasyon na ipinagkakaloob ng pamahalaan at hindi maayos na pagpapatupad ng batas.
Tinalakay din dito ang tungkol sa Republic Act No. 9231 o ang pagpapatupad para sa pag aalis ng masasamang uri ng mga gawaing mahihirap at paglalaan ng matibay na proteksiyon para sa mga batang manggagawa na siyang inamyendahan ng Republic Act 7610 o ang “Special protection of children against child abuse, exploitation and discrimination act.”
Dahil dito, bumuo ang nasabing ahensiya ng isang resolusyon na lumikha ng Regional Council Against Child Labor sa ilalim ng Sec. 6 ng Executive Order No. 92, series of 2019.
Ang nasabing konseho ay pamumunuan ng Regional Director ng DOLE at ang ikalawang mamumuno ay ang Assistant Regional Director (ARD) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang Philippine Information Agency (PIA), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Council for the Welfare of Children, Stairway Foundation Inc., Department of Interior and Local Government (DILG), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine National Police (PNP), Philippines Statictics Authority (PSA) at iba pang konsernadong ahensiya bilang mga kasapi na siyang aagapay sa mga bata upang hindi mapariwara ang buhay at malulon sa masasamang bisyo.
Samantala, sinabi ni DOLE Assistant Regional Director, Atty. Erwin Aquino, “Maganda ang itinatakbo ng programa ng DOLE Mimaropa para sa child labor sa buong rehiyon. Hindi namin kayang gawin ito at kailangan nating magbigkis, tayong mga konsernadong ahensiya upang mapagtagumpayan natin ito.”
Bukod sa DOLE Mimaropa. dumalo din sa nasabing gawain ang mga kinatawan ng DSWD Mimaropa, Council for the Welfare of Children, Stairway Foundation Inc., DOH Mimaropa, Philippine National Police, Philippine Information Agency (PIA) at iba pa bilang kasapi ng nasabing konseho. (DN/PIA-OrMin)